21/12/2018
BASAHIN: Tugade, iniutos ang pagbuo ng TWG kaugnay ng motorcycle taxis
CLARK, PAMPANGA – Sa gitna ng umiiral na Temporary Restraining Order (TRO) at habang hinihintay ang pinal na kautusan ng Korte Suprema kaugnay ng pamamasada ng mga two-wheel vehicle tulad ng motorsiklo, inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng DOTr na bumuo ng Technical Working Group (TWG) upang talakayin ang mga isyung nakapaloob sa paggamit ng motorsiklo bilang pampublikong transportasyon.
Bubuuin ang TWG ng mga kinatawan mula sa DOTr, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), Metro Manila Development Authority (MMDA), Senado, Kongreso, commuter welfare groups, road safety advocates, motorcycle manufacturers, motorcycle organizations, at law schools.
Layunin ng nasabing TWG na talakayin ang mga nararapat na kapasidad ng isang motorsiklo at ng driver nito para sa public transport service. Kabilang dito ang pagtukoy ng mga uri ng motorsiklong maaaring bigyan ng prangkisa, minimum Cubic Centimeter (CC) capacity ng motor, travel speed ng motorcycle taxi, rutang saklaw ng prangkisa, seat at helmet requirements, at training requirement para sa mga motorcycle biker na magpaparehistro bilang PUV driver.
Nais ding talakayin ng TWG ang usapin ng responsibilidad at pananagutan sa kaligtasan ng pasahero sakaling magkaroon ng aksidente.
“Naiintindihan natin ang pagtangkilik ng ilan nating kababayan sa mga motorsiklo bilang public transport. Pero tandaan natin na may batas laban dito, at may TRO pa ang Korte Suprema. Ang batas ay batas, at hindi po mauuna ang ehekutibo sa paglabag nito. Pero nakikinig ang DOTr. Kaya kahit wala pang desisyon ang SC, bumubuo na tayo ng TWG para pag-aralan ang posibilidad na maging public transport ang mga motorsiklo,” ayon kay Secretary Tugade.
Nitong ika-5 ng Disyembre, naglabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa naunang preliminary injunction na inisyu ng Mandaluyong Regional Trial Court Branch Branch 213 na pumabor sa patuloy na operasyon ng Angkas. Ibig sabihin, alinsunod sa TRO ng mataas na hukuman, maaaring magpatuloy ang law enforcement operations laban sa Angkas bikers, na sa ilalim ng batas ay itinuturing na colorum.
Mariing iginigiit ng DOTr na sumusunod lamang ito at ang mga kaakibat nitong ahensya sa Republic Act No. 4136 o ang “Land Transportation and Traffic Code,” na nagsasaad na hindi maaaring mag-alok ng pampublikong transportasyon o negosyo ang mga two-wheel vehicle.
“Pag-usapan natin kung ano ang mga solusyong maaaring ihain. Ano ang panuntunan? Lahat ba ng klase ng motorsiklo ay papayagan? Ano ang minimum Papayagan ba ito sa lahat ng kalsada, o lilimitahan lang natin sa mga secondary road o mga lugar na hindi gaanong dinadaanan ng malalaking sasakyan gaya ng bus o truck?,” Tugade said.
Isang aspeto rin ang kaligtasan. Paano natin masisiguro ang kaligtasan ng mga pasahero? Kung malagay sa aksidente ang motorsiklo habang may sakay, sino ang sasagot sa lahat ng gastusin? Kung maaksidente pati ang driver, ano ang pananagutan ng may-ari? Ang mga detalyeng ito, kailangang masusing mapag-aralan,” dagdag ni Secretary Tugade.
🇵🇭