20/04/2026
𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐆𝐒𝐀𝐒𝐀𝐊𝐀 𝐀𝐓 𝐌𝐀𝐍𝐆𝐈𝐍𝐆𝐈𝐒𝐃𝐀, 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐃𝐈𝐆𝐈𝐓𝐀𝐋 𝐍𝐀 𝐊𝐈𝐍𝐀𝐁𝐔𝐊𝐀𝐒𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐘𝐀𝐍!
Sa pagdiriwang ng 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗔𝗴𝗿𝗶𝗰𝘂𝗹𝘁𝘂𝗿𝗮𝗹 𝗘𝗻𝗴𝗶𝗻𝗲𝗲𝗿𝗶𝗻𝗴 𝗪𝗲𝗲𝗸, dala natin ang mas malalim na paninindigan para sa isang agrikulturang makatarungan, makabago, at tunay na nakatuon sa kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda.
Ngayong taon, bitbit natin ang diwa ng temang “𝐃𝐢𝐚𝐦𝐨𝐧𝐝 𝐋𝐞𝐠𝐚𝐜𝐲 𝐨𝐟 𝐏𝐒𝐀𝐁𝐄: 𝐃𝐫𝐢𝐯𝐢𝐧𝐠 𝐈𝐧𝐧𝐨𝐯𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧 𝐢𝐧 𝐀𝐠𝐫𝐢𝐜𝐮𝐥𝐭𝐮𝐫𝐚𝐥 𝐚𝐧𝐝 𝐌𝐞𝐜𝐡𝐚𝐧𝐢𝐳𝐞𝐝-𝐒𝐲𝐬𝐭𝐞𝐦𝐬 𝐟𝐨𝐫 𝐎𝐩𝐭𝐢𝐦𝐚𝐥 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧-𝐁𝐮𝐢𝐥𝐝𝐢𝐧𝐠 𝐃𝐢𝐠𝐢𝐭𝐚𝐥𝐢𝐳𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧.”—isang malinaw na panawagan na ang inobasyon at digitalisasyon sa agrikultura ay dapat magsilbi hindi lamang sa produksyon, kundi sa tunay na pag-unlad ng ating mga komunidad.
Hindi sapat na maging “makabago” kung ang teknolohiya ay nananatiling hindi abot ng maliliit na magsasaka at mangingisda. Ang tunay na diwa ng diamond legacy ay hindi lamang ang tagal ng kontribusyon, kundi ang lalim ng epekto at kung paano natin ginagamit ang agricultural at mechanized systems upang mapalakas ang kakayahan ng mga nasa bukid at baybayin, mapababa ang gastos sa produksyon, mapataas ang kita, at mapanatili ang ating likas-yaman sa gitna ng digital na pagbabago.
Sa panahon ng oil at climate crisis at food insecurity, ang digitalization ay dapat maging kasangkapan para sa mas inklusibo, mas episyente, at mas makatarungang sistema ng produksyon—mula sa precision irrigation at smart farming, hanggang sa data-driven na pamamahala ng yaman at post-harvest systems. Ngunit higit sa lahat, dapat itong nakaangkla sa boses at karanasan ng mga magsasaka at mangingisda.
Ang 𝗧𝗵𝗲 𝗟𝗲𝗮𝗴𝘂𝗲 𝗼𝗳 𝗔𝗴𝗿𝗶𝗰𝘂𝗹𝘁𝘂𝗿𝗮𝗹 𝗮𝗻𝗱 𝗕𝗶𝗼𝘀𝘆𝘀𝘁𝗲𝗺𝘀 𝗘𝗻𝗴𝗶𝗻𝗲𝗲𝗿𝗶𝗻𝗴 (𝗡.𝗚.) 𝗮𝘆 𝗻𝗮𝗻𝗶𝗻𝗶𝗻𝗱𝗶𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗻𝗼𝗯𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗮𝘆 𝗱𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗺𝗮𝘆 𝗱𝗶𝗿𝗲𝗸𝘀𝘆𝗼𝗻—at ang direksyong iyon ay tungo sa kapakanan ng tao at bayan. Ang digital na pag-unlad ay dapat may kasamang akses, edukasyon, at pakikipagtulungan sa komunidad upang matiyak na walang maiiwan sa pag-usbong ng modernong agrikultura.
Kaya naman, 𝗺𝗮𝗸𝗶𝗶𝘀𝗮 𝗮𝘁 𝗸𝘂𝗺𝗶𝗹𝗼𝘀. Suportahan natin ang lokal na ani, palaganapin ang kaalaman sa makabagong teknolohiya sa agrikultura, at itaguyod ang mga solusyong tunay na nakatutugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hikayatin din ang kabataan na maging bahagi ng bagong henerasyon ng Agricultural Engineers na magdadala ng makabuluhang pagbabago.
Sa sama-samang pagkilos, maisusulong natin ang isang agrikulturang pinapagana ng inobasyon, pinapalakas ng digitalisasyon, at nakaugat sa hustisya at malasakit para sa bayan.
𝘗𝘶𝘣 𝘣𝘺: 𝘎𝘪𝘢𝘯 𝘓𝘢𝘨𝘢𝘺𝘢
𝘊𝘢𝘱𝘵𝘪𝘰𝘯𝘴 𝘣𝘺: 𝘑𝘫 𝘎𝘪𝘳𝘢𝘰